Conquering Cape Espiritu Santo- day2

By venjo • Feb 2nd, 2010 • Category: Snapped

Sa pangalawang araw, syempre good morning, maayos ang tulog ko eh. Ako yong huling bumangon, maingay na, nasa pintuan lang kasi ng kubo ang pinaka kusina. Una kong naisip ay kape, di mawawala sa bag ko ‘yon, isa yata ako sa mga adik sa kape. Pagkaligpit ng sleeping bag ay tumuloy ako sa sapa, naghilamos at nagtoothbrush, nasa tabi yong bata nakatingin sa bibig ko at nakangiti, di ko alam kung anong iniisip habang bumubula ang bibig ko. Sumusunod sya hanggang sa kubo, binigyan ko ng skyflakes at di na sumunod. Nakapagluto na ng saging at may mainit na tubig, iisa lang ang dala kong tasa kaya nanghiram muna kami ng tatlo pa para makapagkape.

Habang nagkakape ay pinag-usapan namin ang susunod na lakad, sa pinakamalaking cave sa bundok na yon, ang “Pirikuhan” o bahay ng ahas. Tinatawag din nila itong Espirito Santo Cave, ayon sa unang grupo na nakarating don nong 2006. Maraming kwento na akong naririnig tungkol sa maintrigang kweba na ‘to. Isa, malaki daw ang pinakabunganga at pinamamahayan ng malalaking sawa ang kweba. Sabi naman nong isang nakasama ng taga DENR nong 2008 ay madidinig daw sa bunganga ang tunog ng alon mula sa dagat. May nagsabi ring albularyo na hindi umiilaw ang flash light sa loob ng kweba. Matingnan nga.

Pagkatapos kumain inhanda ko ang camera at flash light na hiniram ko sa Brgy. Maragano, yong tipong pirated na rechargeable pero maliwanag na rin kesa sa wala. Di na ako nagdala ng bolo, iapuubaya ko na lang sa mga kasama ko ang anumang pwedeng putulin tulad ng baging na nakaharang at baka sakaling may ahas din na masagi sa masukal na daan. May nadagdag sa grupo, dalawang lalake ang sumama, yong nakakaalam sa mga shortcut papunta sa kweba/yungib..

Ito yong isang butas ng bundok na nakita namin, mainit at masangsang ang singaw na hangin. Siguro nasa 1meter per second ang bilis ng hangin na lumalabas mula sa butas. Walang nakakaalam kung gano ‘to kalalim dahil naghulog ng bato yong isang kasama namain at di ko narinig kung bumagsak na sa pinakaibaba ang bato. Madilim at di ko gusto ang amoy, masyadong masangsang na parang may asupre sa loob kaya di ko na masyadong pinagtuunan ng pansin kung anong meron sa loob.

Pirikuhan cave

Tour guides

Ang pinakamalaki, pweding sabaysabay na pumasok ang sampung tao sa bunganga. Lapit pa ng konti at ganito na ang makikita, madidinig ang maingay na huni ng mga angkan ni batman, ang malalaking paniki. Maamoy na rin ang singaw ng kweba, amoy na hindi nakayanan ng isang kasama namin at di na lumapit sa bunganga, amoy ng pinagsamang nabubulok na ebak ng paniki na may halong panghi ng di naliligong mga bestpren ni batman. Parang libo-libong Joker na naghahagikhikan sa loob at minsang humihina pag iniilawan ng flash light sa loob.

Shiny bat’s eyes

At pag ginamitan naman ng flash ay ganito kadaming mata ang gustong makita ang liwanag. Sila yong pagkain “daw” ng mga sawa na namamahay sa loob ng kweba ayon sa mga nakapasok na. Wala akong makitang bakas o ebidensya ng sawa. Siguro natutulog pa ang mga pinagmamalaking sawa nong mga naunang nakarating dito sa bunganga ng yungib. Di ko alam kung pang-ilan ako sa mga nakarating sa bungad na pasilip-silip lang dahil pilit na tinitiis ang masangsang na amoy na lumalabas mula sa loob.

Cave bat

Hero lang ang naabutan ng camera ko at maliban don ay puro bato na lang, wala akong balak pumasok at hindi pa ako nakahandang makipagsapalaran sa paglalakad sa nakatambak na ebak ng mga paniki.

May maliit na butas sa bandang kanan pag nakaharap ka sa yungib, nakita ko pa yong troso na sinasabi nong mga nakatira sa tinulugan naming kubo. Yon daw ang ginawa nilang hagdanan nong sinubukan nilang pasukin ang loob, mas madali kasing dumaan sa butas kesa don sa mas malaking bukana.

“Tunnel”

Heto yong pangalawang kweba, mas maliit at parang lagusan lang sya. Basta parang binutas lang yong bundok para madaanan.

Entrance to the third cave

Mula sa bunganga ng ikatlong kweba ay heto kaagad ang makikita, mga paniki uli at mala-camouflage na dingding.

Siguro yan ang obra maestra ng mga paniki. Ito lang yong lakas loob na pinasok namin, ginamit ko yong flashlight ng lighter ko at yong isang kasama ko ang gumamit ng mas malakas ang ilaw na flashlight.

Isa sa mga SOP ng mga spelunkers, bawal pumasok sa yungib ng walang helmit, safety gloves at maliwanag na ilaw. Kaya di ko masyadong type ang caving dahil sa sobrang risky kumpara sa hiking. Malawak ang mundo ng hiking at makitid naman sa caving. Pero may dagdag na excitement ang caving dahil parang film camera ang sitwasyon. Surprise! Ganon ang film camera, shoot ka lang ng shoot at di mo alam kung tama ba ang exposure mo, tama ba ang opening ng kung ano anong settings ng camera, malalaman mo lahat yong pagkatapos i-develop yong film at ipa-print ang napiling pictures. Pag sa loob ng yungib naman ay ganon din, stalactites, stagmites, ahas, makintab na dingding at kung ano ano pang bagay na makikita lang pag tutukan ng flash light o ilaw na dala mo. Masuwerte ka pag wala pang nakakapasok at may nakatagong ginto sa loob ng kweba.

Pag papasukin pa ang pinakaloob ng kweba ay ganito ang nasa dulo, mga 25 – 30meters ang lalim.

My guide and our guard

Sa dami kong nang nakasama sa mga ganitong lakad ay ngayon ko pa lang naranasan ang pakiramdam na hindi pabaya ang mga kasama ko pagdating sa kaligtasan. Yon bang parating tinitingnan muna ang dadaanan mo kung ligtas ba o hindi, umaalalay kaagad pag nakitang nahihirapan ang isa man sa mga kasama sa paglalakad.

Isa lang ang wala sa kanila, ang tapang pag napapadaan sa mga kulisap na masakit mangagat. Biglang nagtakbuhan palayo nong nakagat ako ng honeybee, masakit man ay pilit kong tiniis dahil natawa ako sa itsura nila. Saglit lang namang namaga ang kamay ko at pagkalipas ng isang oras ay wala nang sakit. Maya-maya yong isa naman ang nakagat ng alupihan, mas masakit yon at makamandag. Namaga yong kaliwang braso eh, tumaba bigla.

Heto yong pang-apat, sa itaas lang ng pangatlong kweba, parang kwarto lang sya, pang short time nong mga katutubo siguro. Ito yong mas malinis kumpara sa tatlong nauna, walang namamahay na paniki, panay tulo lang ng tubig ang meron. Ebidensya na yong stalactites na makikintab (di ko makuhanan yong kislap ng mga bato) basta may mga gabutil na nakadikit sa mga bato at kumikinang pag natatamaan ng ilaw.

Matapos malibot namin ang mga kweba ay naglakad na ulit pabalik sa kubo, wala man lang kaming dala kundi mga litrato ng kweba.

Home bound

Sa lahat ng pagod, kaba at sakit ng kagat ng kulisap mas lamang pa rin ang pakiramdam ng taong nakakainom ng sabaw ng buko, manamis-namis at yong laman, men! masarap!

Buko time

Gusto kong balikan ang mga kweba, kelangan kong magdala ng tripod at maliwanag na ilaw para mas magandang litrato ang maidagdag ko sa aking collection.

Sana don sa mga susunod pang bibisita ay wag nang gagalawin ang mga ahas, balita ko kasi ay maraming nanghuhuli don at ginagawang pulutan lang ng mga lasinggerong puro kwento wala namang wenta. Nabubulabog kasi at kung saan-saan na lang namamahay ang mga ahas, sana sa susunod mga tanggero naman ang pagtripan ng mga ahas, sila naman ang gawing hapunan ng mga sawa, lalo na yong mahilig gawing adobo ang sawa.




Tagged as: , , , ,
This entry was posted on Tuesday, February 2nd, 2010 at 2:57 am and is filed Snapped under . You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can leave a response, or trackback from your own site.


5 Comments on "Conquering Cape Espiritu Santo- day2"

  1. sol on Wed, 3rd Feb 2010 8:52 am 

    day 2.. after maging model ng family rubbing alcohol, naging spelunker naman ang bida… talo mo pa si indiana jones sa mga adventures mo ah… kung siya ay puro special effects, ang sau ay tunay na tunay walang daya.. im just wondering though, bakit bukod tangi ata yang kweba na yan na walang stalactite at stalagmites?

  2. sol on Wed, 3rd Feb 2010 8:54 am 

    sori meron pala, what i mean is, konti lang ung stalactites, mas marami ung camouflaged walls, d kaya naging sundalo na ang mga alagad ni batman hehehe…

  3. christiaan on Mon, 8th Feb 2010 5:54 am 

    Astig ka talaga benjo.. it’s really a nice adventure..khit gaano pagod mo jan sulit naman sa ganda ng kapaligiran..

  4. Larry Anda on Thu, 6th May 2010 10:20 am 

    Ang galing ng kuwento mo Venjo… pakiramdam ko kasama mo akong naglalakad habang nagbabasa at tumitingin sa mga pictures..

  5. april on Mon, 28th Jun 2010 2:14 pm 

    i love the pics!!! kbaysay gud man.. kaso kharadok man san cave…


If you want a pic to show with your comment, visit gravatar dot com!